Balik-Bayad: Kampanya laban sa iligal na paniningil ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan

 

Wednesday, August 16, 2006

Simula nang magbukas ang klase nitong nakaraang Hunyo, ano ang mga isyung sumambulat sa kabataan kaugnay ng karapatan sa edukasyon?>


Nagtataasang singil sa matrikula at iba pang mga bayarin ang sumalubong sa kabataan nitong nakaraang pasukan.

Tinatayang 395 na pamantasan sa buong bansa ang inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) na magtaas ng matrikula para sa taong ito. Sa bilang na ito, 194 ang mas mataas sa nakatalang inflation rate (7.6 porsyento) nitong taon habang 201 naman ang mas mababa o kapantay ng inflation rate. Dahil sa masahol at anti-estudyanteng CHED Memorandum Order No. 14, 201 paaralan ang nagtaas ng matrikula nang hindi dumaan sa kaukulang konsultasyon sa mga esudyante at magulang. Nakasaad kasi sa CHED Memo Order 14 na hindi na kailangan pang dumaan sa proseso ng konsultasyon ang anumang panukalang pagtaas ng matrikula na mas mababa sa inflation rate, at gayundin para sa mga panukalang pagtaas ng singil sa matrikula ng mga freshman.

Gayunpaman, marami rin sa mga eskwelahang nagtaas ng matrikula nang mas mataas sa inflation rate ang hindi na dumaan pa sa konsultasyon. Sa kaso, halimbawa, ng University of the East-Recto at Caloocan at De La Salle Araneta University, iligal na ipinataw ang 8.5% (UE-Recto), 9.93% (UE-Caloocan) at 10% (DLSAU) na pagtaas ng matrikula na lagpas sa inflation rate nitong nakaraang pasukan at walang inilunsad na konsultasyon sa mga estudyante.

Hiwalay pa ito sa abot-langit ding pagtaas ng mga miscellaneous fee sa mga pamantasan. Sa University of Sto. Tomas, halimbawa, tampok ang pagtaas ng lecture tuition fee ng 7 porsyento para sa freshmen at 5.5 porsyento para sa iba pang mga baiting. Tumaas din ang laboratory tuition mula 6 hanggang 44 porsyento at ang samu’t saring mga miscelleneous fees, other fees at other charges ay nagsipagtaasan mula 6 hanggang 227 porsyento. Pinakamalaking pagtaas ang althletic fee para sa 4th year students, mula sa P275 hanggang P900 para sa taong ito.

Hindi na nakagugulat ang ganitong mga imposisyon sa mga estudyante dahil malaon nang patakaran ng pamahalaan, sa pamamagitan ng CHED, ang tuluy-tuloy na deregulasyon ng edukasyon. Isa lamang matingkad na patunay ang CHED Memo Order 14 sa patuloy na pagkandili ng gobyerno ni Arroyo patakarang deregulasyon para bigyang-pabor ang mga kapitalista-edukador sa halip na isaalang-alang ang kapakanan ng mga estudyante.

Ano na ang inabot ng kampanya ng kabataan laban sa anti-estudyanteng CHED Memo Order No. 14?
Isang malaking tagumpay ng mga estudyante ang pahayag mismo ng House Committee on Higher and Technical Education noong nakaraang Hunyo na iligal ang CHED Memo Order 14. Dahil nakasaad sa Section 10 ng Republic Act 6728 na kinakailangang dumaan sa konsultasyon ang anumang panukalang pagtaas ng matrikula, maliwanag na labag sa batas ang nasabing memo ng CHED.

Sa kasalukuyan, bunga ng regular na dialogue at debate sa pagitan ng ilang mga lider-estudyante at mga opisyal ng CHED, nailagay sa isang depensibang pusisyon ang huli at napilitang maghayag na hindi nito pahihintulutan ang anumang pagtaas ng matrikula na mas mataas sa inflation rate.

Bagamat maituturing itong isang inisyal na tagumpay, kinakailangan pa rin ng isang malakas na kilusang estudyante laban sa iligal na pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sampu ng CHED Memo Order 14. Tanging sa malakas, koordinado at sama-samang pagkilos at pagprotesta ng mga estudyante ganap na makakamit ang kagyat nating panawagang REFUND ng lahat ng mga iligal na singil sa matrikula at iba pang bayarin para sa taong ito. Kaakibat ng kampanyang ito ang panawagang tuluyan nang ibasura ang anti-estudyanteng CHED Memo Order 14.

Samantala, habang patuloy tayong umaani ng sapat na lakas para ibuwelo ang mga malalakihang protesta, umani na rin ng mga taktikal na tagumpay ang mga estudyante sa ilang mga pamantasan – partikular ang UE at ang pamantasan ng De La Salle Araneta. Sa mismong araw ng pagsampa ng kaso ng mga estudyante sa CHED laban sa kanilang administrasyon (Hunyo 28), tumawag sa CHED ang administrasyon ng mga naturang paaralan at nagsabing ire-refund nila ang siningil na dagdag matrikula na lagpas sa 7.6 porsyentong pinapayagan ng CHED.

Bagama’t tagumpay ito, tuloy ang ating panawagan na buong refund sa lahat ng itinaas na matrikula at bayarin sa buong bansa dahil ang lahat ng ito ay iligal.

Ano naman ang kalagayan ng mga state colleges and universities (SUCs)?

Re-enacted budget at supplemental budget
Dahil sa taun-taong pagkaltas ng badyet para sa edukasyon (tingnan ang talata sa baba), lalong kalunos-lunos pa rin ang kalagayan ng mga SUCs.

Kapansin-pansin sa nakaraang SONA ni Arroyo ang kawalan ng kongkretong pahayag hinggil sa plano ng kanyang pamahalaan para sa edukasyon.

Sa pagmamaniobra ng Malakanyang, hindi inaprubahan ang panukalang pambansang badyet ng Senado at sa halip ay ipina-re-enact ang pambansang badyet ng 2005 para sa taong ito sa layuning makakamit ng mas malaking pondo para sa mga maanomalyang programa ni Arroyo.

Ang re-enactment ng pambansang badyet ay nangangahulugan ng higit na mas mababang subsidyo ng gobyerno para sa edukasyon. Matapos ang SONA, naglabas ng isang tinaguriang supplemental budget na may halagang P46.4 bilyon ang Malakanyang.

Ngunit saan ba mapupunta ang kalakhan ng supplemental budget na ito? Walang ibang popondohan ito kundi ang patuloy na pagkiling ng administrasyong Arroyo sa kanyang all-out-war at ang panunuhol nito sa mga lokal na opisyal para suportahan ang charter change at paghahanda ni Arroyo para sa eleksyon sa 2007.

Ayon sa appropriations committee ng Kongreso, and pinakamalaking bahagi ng P46.4 bilyon supplemental fund ay mapupunta sa Internal Revenue Allotment o IRA ng mga lokal na pamahalaan (LGUs), o P14.8 bilyon. Samantala, 30 porsyento naman ang mapupunta sa militar bilang pangdagdag sa nauna nang inilabas na P1 bilyong pondo para sa all-out-war laban sa New People’s Army. Habang P9.5B lamang ang inilaan mula sa supplemental budget para sa edukasyon, kumpara sa P20 bilyong discretionary fund ni Arroyo para pondohan ang kanyang mga programa.

Komersyalisasyon ng edukasyon
Kaakibat ng malaking kaltas sa pondo ng mga state universities and colleges, tuluy-tuloy naman ang pagtaas ng matrikula at iba’t iba pang mga bayarin sa mga SUCs. Ito ay sa kabila ng memorandum na inilabas ng CHED noong nakaraang Mayo na hindi raw pahihintulutan ang anumang pagtaas sa matrikula o iba pang bayarin sa mga SUCs ngayong taon.

Sa mga SUC, pinakatampok ang napakalaking pagtaas ng matrikula sa University of the Philippines-Manila College of Medicine, mula P11,000 tungong P21,000 kada semester. Dagdag pa rito ang panukalang pagtaas ng tuition mula P300 hanggang P1000 sa mga UP yunit sa Manila, Diliman, Los Baños habang P250 hanggang P600 naman sa UP Mindanao, Visayas, Pampanga at Baguio. Sa Polytechnic University of the Philippines naman, laganap ang absurdong processing fee na sinisingil sa mga estudyante.

Ang lahat ng ito ay manipestasyon ng papatinding komersyalisasyon sa edukasyon.

Higit na nakapangangalit ang balakin ng CHED na magtayo ng mga call center sa loob mismo ng mga SUC. Sa ilalim ng bandera ng ‘ready manpower,’ ‘globalized curriculum’ at ‘employment for new graduates,’ walang-pagpapanggap na ang pakikipagsabwatan ng mga SUC sa mga kumpanyang multinasyunal para lamang makapangalap ng dagdag na pondo para sa mga SUC.

Sa nasabing plano, target na tayuan ng call centers ang 25 na SUCs sa bansa kabilang ang Mariano Marcos State University (Region I), Isabela State University (Region II), Polytechnic University of the Philippines (NCR), Cavite State University (Region IV) at Bicol University (Region IV).

Walang ibang makikinabang sa iskemang ito kundi ang gobyerno na malaon nang nag-iisip ng mga paraan para gradwal na bawasan ang subsidyo ng mga SUC. Sa malaon, mangangahulugan ito ng tuluyan nang pagtalikod ng estado sa responsibilidad nitong pag-aralin sa mababang halaga ang mga estudyante sa mga pamantasan.

Ano ang pananagutan ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa lumalalang kalagayan ng edukasyon?

Malinaw sa ganitong balangkas na ang pangunahing may pananagutan ng kasalukuyang krisis sa edukasyon ay ang rehimeng Arroyo.

Hindi na maitatago ng pamahalaang Arroyo ang kanyang pagtataksil sa kabataang Pilipino. Lalong sumasahol ang kalunos-lunos nang kalagayan ng edukasyon at tumitindi ang komersyalisasyon ng edukasyon. Ang pagbibigay ng todo-todong prayoridad ng pamahalaan sa pakanang charter change at pagbibigay prayoridad sa badyet para sa programang all-out-war ng rehimen ay lalong nagpapatindi sa malala nang krisis sa edukasyon. Gayundin, ang patuloy na pagkunsinti ng administrasyong Arroyo sa patuloy na pagkamal ng kita ng kapitalista-edukador sa ilalim ng patakarang deregulasyon ng edukasyon ay patunay lamang malinaw na hindi pagprayoritisa ng gobyerno sa kapakanan ng mga estudyante.

Kung kaya’t kaugnay pa rin ng kampanya ng mga estudyante ang panawagan para sa panagutin at patalsikin si Arroyo. Habang tumatagal si Gloria sa panunungkulan, lalong nagigipit ang karapatan sa edukasyon at mga demokratikong interes ng kabataan.

Walang maaliwalas na kinabukasan ang kabataan hanggang si Gloria ay nasa Malakanyang.

Ang ating mga panawagan:

Balik-bayad sa lahat ng iligal na matrikula at iba pang bayarin sa eskwela, ngayon na!
Itigil ang iligal na paniningil ng matrikula at iba pang bayarin!
Ibasura ang CHED Memo # 14!
Ibasura ang Education Act of 1982!
Ipaglaban ang mas mataas na badyet sa edukasyon at serbisyong panlipunan!
Edukasyon, hindi giyera!
Tutulan ang komersyalisasyon ng edukasyon!
Gloria, panagutin at patalsikin!

refund now!

Campaign Convenors