Walang kapantay na paglala ng krisis sa edukasyon sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo

 

Wednesday, August 16, 2006

Hunyo 2006

Taun-taong sinasalubong ng batikos at protesta ang pagbubukas ng klase dahil sa patuloy na pagsidhi ng krisis sa sistemang pang-edukasyon at sa buong lipunan.

Inaasahan na ng bawat kabataan at estudyante ang taunang pagtaas ng matrikula at iba pang ma bayarin at ang walang-habas na pagkaltas ng badyet para sa edukasyon. Gayunpaman, higit na maigting ang protesta para sa taong ito dahil kakambal ito ng patuloy na paglapastangan sa karapatan ng kabataang makapag-aral, kaliwa’t kanan din ang maniobra ni Gloria Macapagal-Arroyo para makapanatili sa pwesto kapalit ng kapakanan at kagalingan ng kabataan at mamamayan.

I. Pinakamasahol na krisis

Kawawang kalagayan sa mga pampublikong paaralan


Taliwas sa pahayag ni Gloria sa naturang media briefing, nananatiling kapos na kapos ang mga kagamitan at serbisyo sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Bago pa man bumulalas sa publiko ang mistulang ‘dagdag-bawas’ na naman ni Arroyo sa nakaraang presentasyon ni DedEd Acting Sec. Fe Hidalgo, hindi na kaila sa kabataan at mamamayan ang malaking kakulangan ng mga klasrum, na tinatayang umabot na sa 74,115, teksbuk, na lalagpas sa apat na milyon, at iba pang mga pasilidad sa mga pampublikong paaralang pang-elementarya at hayskul sa bansa.

Walang ibang dapat sisihin kundi ang napakaliit na badyet na inilalaan ng gobyerno sa sector ng edukasyon taun-taon. Ngayong taon, dahil sa paggigiit ni Arroyo, hindi naapruba ang humigit-kumulang P147B ang inilaang pondo ng gobyerno sa buong sektor ng edukasyon, P119B mula sa halagang ito ang nakalaan para sa DepEd. Ibig sabihin, mababa na nga, higit pang bababa sa ang badyet sa edukasyon sakaling matuloy ang re-enacment ng 2005 national budget para sa taong ito. Ayon kay dating DepEd Usec. Juan Miguel Luz, aabot sa P29B ang kinakailangang ilaan para lamang matugunan ang kakulangan sa klasrum para sa mahigit 20 milyong estudyante papasok sa elementarya at sekundarya para sa taong ito. Kung kokompyutin ang halaga ng badyet, aabot na lamang sa kulang-kulang P5 ang ginagastos ng gubyerno para sa araw-araw na edukasyon ng kada isang estudyanteng Pilipino.

Tulad ng nakaraang mga taon, ginigipit ang pondo sa edukasyon para mabayaran ang papalaking utang-panlabas ng gobyerno, gastusin sa militar at pulisya, at mga kapritsyo ni Arroyo para makapanatili sa pwesto.

Patuloy na pagtaas ng matrikula

Samantala, tuloy-tuloy ang pagtaas ng matrikula sa mga paaralan. Tinatayang 246 pribadong paaralan sa buong bansa ang nagtaas ng matrikula noong nakaraang taon. Lumobo pa ang bilang na ito pagsapit ng Mayo 2006 – tinatayang 390 pribadong paaralan ang nagtaas ng matrikula ngayong pasukan.

Kaya naman papalaki na rin ang bilang ng mga kabataan at estudayanteng hindi na makapag-aral. Sa tala mismo ng Commission on Higher Education, tinatayang 50 porsyento ng bilang ng mga estudyante ang napilitan nang tumigil sa pag-aaral para sa taong ito.

Tuloy-tuloy din ang pagtaas ng halaga ng edukasyon maging sa paaralang pampubliko. Sa kabila ng pahayag ng Malakanyang na wala diumanong pagtaas ng matrikula sa mga SUCs, itinaas ng 100 porsyento ang library fee sa Unibersidad ng Pilipinas, mula P400 tungong P800. Habang patuloy naman ang paniningil ng iba pang fees at maanomalyang iskemang ladderized tuition fee hike sa iba pang mga SUC sa buong bansa.

Kahit sa mga elementary at hayskul, sangkatutak ang mga sinisingal na mga fee kagaya ng PTA, sports fee, club fee, mga pakulong raffle ticket, at iba pa. Kaya naman sa kabila ng mga proklamasyong libre ang batayan at sekondaryong edukasyon, nananatiling malaking gastos ang magpaaral ng elementary at high school.


II. Pangunahing salarin: si Arroyo at ang kabuktutan ng kanyang gubyerno

Walang ibang dapat sisihin sa kalagayang ito kundi sa kawalang interes ng gubyerno ni Arroyo na pahalagahan ang edukasyon at ang patuloy na pangangayupapa ni Gloria sa malalaking kapitalista-edukador kapalit ng patuloy nilang pagsuporta sa kabila ng dumadausdos na popularidad ng rehimen sa hanay ng sektor ng edukasyon.

Regalo ni Arroyo sa mga kapitalista: CMO #14

Maituturing na pinakamasahol na suhol ni Gloria sa mga kapitalista-edukador ang CHED Memorandum Order # 14, o ang Guidelines and Procedures to be observed by Higher Education Institutions (HEIs) intending to increase Tuition and Other School Fees and introduce New Fees. Nakasaad sa CHED Memo 14 ang paglalagay ng ‘tuition cap,’ o hindi paghintulot sa mga pribadong paaralan na magtaas na matrikula ng lagpas sa kasalukuyang tantos ng implasyon (inflation rate). Ayon pa sa CHED, layunin din daw ng Memo 14 na gawing regular ang mga konsultasyon ng mga pribadong paaralan sa mga magulang at estudyante. Kasama rin sa mga saklaw ng CHED Memo 14 ang iba pang mga panukalang pagtaas ng mga bayarin sa eskwelahan (miscellaneous fees) bukod sa matrikula.

Liniligalisa ng CHED Memo 14 ang taunang pagtaas ng matrikula at tuluyan nang tinatanggalan ang mga estudyante at magulang ng karapatang dumalo sa mga konsultasyon. Kung pagbabatayan ang kasalukuyang talaan ng mga nagtaas ng bilang ng nagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin ngayong taon, tulad ng CHED Memo 13, nananatiling inutil ang CHED Memo 14 sa pagkontrol sa taunang pagtaas ng matrikula. Binabale wala nito ang panawagan ng pag-iimbestiga at paglalagay ng moratoryum sa sobrang pagtaas ng matrikula at binibigyang lisensya pa ang mas maraming mga pagtataas. Wala itong idinulot kundi palalain ang CHED Memo 13 at iba pang patakaran ng gobyerno sa deregulasyon ng matrikula.

Kabuktutan ni Arroyo, bumiktima sa kabataan

Mula nang maupo sa poder, pinagtaksilan na ni Arroyo ang kabataan. Higit pa ngayong inilulubog ng kanyang mga sakim na pakana para makapanatili sa pwesto eng edukasyon sa mas malalim na krisis.

Dahil sa pinipiling unahin ang pagkapit-tuko sa kapangyarihan, ang pondo na ilalaan sana sa edukasyon ay napupunta sa kabuktutan ng rehimen. Noong 2004, ang idagdagdag sanang badyet sa DepEd ay hindi inapruba at ginamit ni Arroyo sa kampanya. Kung tutuusin, simula ng 2001, pababa na nga ang badyet ng edukasyon, ibinubulsa pa niya ang sana’y pang-agapay sa krisis. Napakarami sanang pera na maaaring ilaan sa edukasyon, pero napupunta ito sa kabuktutan ni Arroyo at ng kanyang pamilya, bukod pa sa misprayoritisasyon ng pondo sa pambayad utang at gastusing militar.

Kahinahinalang tila walang pang-dagdag ang gobyerno ni Arroyo sa pondo ng edukasyon samantalang samu’t saring mga programa at pakana ang sinasabuyan niya ng biyaya. Walang badyet para sa edukasyon dahil inilalaan ito ni Gloria para ilarga ang charter change at iba pa niyang pakana para makapanatili sa pwesto. Ang deadlock ng Senado at Kongreso sa pag-apruba ng 2006 budget ay bunga ng pagmamatigas ng Malacañang na ipasa ang P64 bilyong ‘presidential pork barrel’ nito. Ang P26.3 bilyon ng pork barrel ay nakalaan diumano sa mga programa ng Malacañang (kabilang ang P5B Kilos Asenso at P 3.69 B Kalayaan Program), samantalang may kabuuang P 37.7 bilyong unprogrammed funds.

Nakababahala ring may pondo ang gobyerno para sa gera at pagpatay gayong wala para sa edukasyon. Kamakailan, naglaan si Gloria ng P1 bilyong pondo pambili ng bago at dagdag na armas para sa PNP at AFP para diumano sa ‘counter-insurgency’ program na naglalayong sugpuin ang ‘Kaliwa’ sa loob ng dalawang taon. Hiwalay pa ito sa P72 bilyong inilaan para naman sa tinagurian ‘regional development’ program na nakatuon sa tinukoy nitong malalakas na erya ng rebelyon sa bansa (Timog Katagalugan, Gitnang Luzon at Sorsogon).

Dahil din sa mga sakim na pakana, si Arroyo mismo ang nagtutulak ng pagtataas ng tuition. Sa desperasyon nitong makapanatili sa pwesto, sinusuhulan niya ang mga kapitalista edukador at hinahayaang magtaas ng tuition, kapalit ng pananatili ng suporta nila sa kanyang administrasyon at pagpigil sa mga pag-aalsang mag-aaral. Ang biktima: tayo, ang kabataang Pilipino na hindi na makayanan ang taas ng halaga ng ating edukasyon.

Malinaw ang kinakaharap sa kasalukuyan ng kabataan at estudyante. Sa ilalim ng panunungkulan ni Gloria, hindi maipapatupad ang matagal nang panawagang regulasyon sa pagtaas ng matrikula. Higit nitong pinaprayotisa ang interes ng malalaking kapitalista-edukador kapalit ng suportang pulitikal. Gayundin, suntok sa buwan ang mga pangakong mas mataas na badyet sa edukasyon. Tulad ng nakaraang mga taon, una pa rin sa listahan ng pamahalaan ang mas mataas na pondo para sa pambayad-utang, militar at iba pang mga maniobra para makapanatili sa kapangyarihan.

Kung hindi natin mapipigilan ang rehimeng ito sa mga pakana para makapagtagal sa kapangyarihan, higit na matinding krisis ang tiyak na haharapin ng edukasyon, higit na madilim na kinabukasan ang maghihintay sa atin. Ito ang matinding katotohanan na ating kailangang harapin.

III. Mga pakanang higit pang magpapasahol ng krisis

Charter change: Pagpapanatili sa kontra-kabataan at estudyanteng rehimen

Kaya naman gayon na lamang ang nararapat na mariing pagtutol ng kabataan at estudyante sa maniobrang Charter Change ni Gloria. Batid nilang isa lamang itong maniobra ng rehimen para takasan ang kaliwa’t kanang mga kasalanan nito sa kabataan at mamamayan.

Sa panukalang Cha-cha, mananatiling Pinuno ng Gobyerno at estado si Arroyo hanggang 2010 o mas matagal pa. Bukod dito, basbasan pa siya ng higit na kapangyarihan sa gubyerno sa pamamagitan ng pagpapadali ng muling proklamasyon ng Martial Law, at pagbubuo ng isang parliyamentong magiging sunud-sunuran kay Arroyo.

Sa kabilang banda, higit namang sasalantain ng Cha-cha ang kabataan at papalalain ang krisis sa edukasyon. Ang Cha-cha ni Arroyo ay nangangahulugan ng higit na pagbababa ng badyet sa edukasyon at pagtataas ng tuition. Tatanggalin sa Cha-cha ang probiyon ng 1987 Konstitusyon na nagdidiin sa papel ng kabataan sa lipunan at sa pagbibigay ng prayoridad, kung gayon, sa kanilang mga karapatan at pangangailangan, pangunahin na sa edukasyon. Bukod dito, ibubukas din ng Cha-cha ng 100% sa dayuhan ang mga unibersidad at kolehiyo na magdudulot hindi lamang ng higit na pagiging mahal ng edukasyon kundi magpapasidhi sa kolonyal na oryentasyon nito.

Malinaw na malinaw sa kabataan na walang magandang maidudulot sa sistemang pang-edukasyon at kinabukasan ng kabataan ang patuloy pang pananatili ni Gloria sa Malakanyang. Sa gitna ng matinding krisis na kinakaharap ng sistemang pang-edukasyon, isang matinding insulto sa kabataan ang anumang panukalang patagalin pa si Gloria sa pwesto.

Kasabay ng pagpasok ng bagong taong akademiko ang pagpapanibagong-sigla ng paglaban ng mga estudyante sa mga kampus at lansangan. Paparami ang bilang ng pagkilos ng mga mag-aaral na tiyak na hahantong sa isang malawak at malakas na kilusang boykot ng mga klase laban sa mga patakaran pamahalaan.

Kabulukan sa kaibuturan

Sa kaibuturan ng krisis makikita ang tunay na kalagayan ng edukasyong Pilipino: komersyalisado, kolonyal at represibo. Ito ang katangian ng edukasyong itinataguyod ng mga nakaraan pang rehimen at ngayong ipinagpapatuloy ni Arroyo. Patunay dito ang patuloy na pagpapatupad ng mga pangmatagalang programang umaaayon sa ganitong oryentasyon. Kung pag-aaralan kung ano ang pangmatagalang tanaw ng pamahalaan sa edukasyon, mauunawaan kung bakit hindi makaalpas ang sektor sa krisis.

· Education Act of 1982 ang isa sa mga matagal ng salarin sa paglala ng krisis sa sektor, na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggal at napag-aaralan. Itinutulak ng batas ang tuwirang pagdederegulisa sa pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa loob ng mga paaralan at pamantasan.

· Long Term Higher Education Development Plan (LTHEDP) 2001-2010. Binalangkas ito ng CHED upang gabayan ang direksiyon ng higher education sa bansa ngayong dekada. Kailangan daw maging angkop ang edukasyon sa ating “knowledge-based economy” ngayong nasa panahon na tayo ng “borderless education.” Balak ding idebelop ang isang service-oriented higher education na magbubunsod ng kasiglahan sa ating ekonomiya.

· Medium Term Higher Education Development and Investment Plan (MTHEDIP) 2001-2004. Ito ang ambisyosong programa ng CHED sa susunod na tatlong taon batay sa mga ginawang rekomendasyon ng mga nakaraang rehimen. Layon nitong bigyan ng solusyon ang isyu ng mababang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo at ang usapin ng equity o access ng mahihirap sa mga pamantasan. Subalit tila niloloko ng CHED ang kanyang sarili dahil ang ibinabandila nitong programa ay nais idebelop ang edukasyon sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga pampublikong kolehiyo sa bansa.

· Restructured Basic Education Curriculum (RBEC). Ang solusyon ng DepEd sa mababang kalidad ng edukasyon ay ang pagbabago ng kurikulum sa elementarya at hayskul. Lima na lang ang core subject ng mga estudyante: English, Science, Math, Filipino at Makabayan – pinagsama-samang araling panlipunan, musika, PE, health, at technology and home economcs. Sa paglabnaw ng pagtuturo sa kasaysayan at ng lahing Pilipino, higit nitong patitingkarin ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa. Palibhasa’y ang kailangan lamang ng mga korporasyong multinasyunal ay mga mangagawa na kaunti lamang ang kasanayan kung kaya’t kahit ang isang holistikong edukasyon ay isasakripisyo ng pamahalaan.

Bahagi rin ng mga programa ang unti-unting pagbawi sa mga demokratikong karapatang nakamit ng mga kabataan sa loob ng kampus at pagpapalala ng repreyon sa mga mag-aaral sa mga paaralan.

Malinaw na ibinabalangkas ng gubyerno ang sistema ng edukasyon ng bansa sa mga patakarang deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon sa ilalim ng bandera ng imperyalistang globalisasyon. Maging ang edukasyon ay nakaamba ng isuko sa kasunduang General Agreement on Trades in Services (GATS) sa WTO. Walang ibang pinagsisilbihan ang mga patakarang ito ng gobyerno kundi ang mga malalaking negosyanteng kasapakat ni Gloria at mga dayuhang mamumuhunan sa bansa. Sa kabilang banda, sangkatutak na pinaeperwisyo ang idudulot nito sa mga kabataan at patuloy na pagsidhi ng krisis ng edukasyon sa bansa.

IV. Tugon sa krisis, sama-samang paglaban


Ang ating sigaw: Ipaglaban ang karapatan sa edukasyon! Patalsikin si Gloria!

Ang panawagan ng sektor ng kabataan at estudyante na itaas ang badyet sa edukasyon at tugunan ang krisis sa edukasyon ay nangangahulugan ng mahigpit na pangangailangang patalsikin si Gloria sa lalong madaling panahon. Matapos ang ilang taon ng pagtataksil at panloloko sa atin ng rehimen, malinaw na sa ating walang mapapala ang edukasyon sa ilalim ng rehimeng ito kundi higit na pagkalugmok. Kung gayon ay kailangang mahigpit na makibahagi sa paglaban ng malawak na mamamayan para singilin at papanagutin si Gloria sa matinding kahirapan, pambubusabos at panunupil na ibinibigwas ng kanyang rehimen.

Sa gitna rin ng mga pulitikal na pamamaslang sa mga aktibista at mamamahayag, higit na nasisindihan ang katwiran at determinasyon ng mamamayan na alisin na si Gloria sa panunungkulan. Ang pambansang patakaran nito ng pamamaslang sa kasalukuyan na bumiktima na ng mahigit 700 ay nagpapatibay ng ating dahilan upang kamtin ang hutisya at lumaban. Walang ibang pagsisilbihan ang nagkakaisang pagkilos ng kabataan at estudyante kundi ang tuluyan nang paghiwalay at paglantad sa ilihitimo at bulok na panunungkulan ni Gloria.

Ang istratehikong layon ng kabataan: Edukasyong Pilipino para sa Kabataang Pilipino
Upang wakasan ang krisis ng edukasyon, kinakailangang ibagsak ang kolonyal, komersyalisado at represibong edukasyon at itaguyod ang tunay na edukasyon para sa kabataang Pilipino: makabayan, siyentipiko at pang-masa.

Makatwiran ang ating pakikibaka para sa ang isang pangmasa, makabayan at siyentipikong edukasyon. Upang tapusin na ang misedukasyon ng mga Pilipino ay nangangailangan ng isang makabayang edukasyon. May iniwang mga kataga si Renato Constantino:
“…the education of the Filipino must be a Filipino education. It must be based on the needs of the nation and the goals of the nation. The object is not merely to produce men and women who can read and write or wo can add and subtract. The primary object is to produce a citizenry that appreciates and is conscious of its nationhood and has national goals for the betterment of the community…”

Para makamit ito, dapat kumilos ang kabataan para baguhin ang sistemang panlipunan na nagluluwal sa bulok na sistemang pang-edukasyon at nagtataksil sa kanyang kabataan at mamamayan. Hindi magiging sapat ang makakuha ng mga reporma sa edukasyon habang hindi nag-aambag sa pagbabago ng katangiang pampulitika at pang-ekonomiko ng bansa. Hangga’t malakolonyal at malapyudal ang sistemang panlipunan ay hindi mapipigil ang pagsisilbi ng edukasyon sa interes ng iilan at ng mga dayuhan.
Matagumpay nating makakamit ang edukasyong makbayan, siyentipiko at pang-masa sa ating pakikibaka kasama ng mamamayang Pilipino para sa isang lipunang tunay na malaya, demokratiko at masagana.

Ang ating mga panawagan:

Ibasura ang CHED Memo 14! Itigil ang patuloy na pagsingil ng mataas na matrikula!
Edukasyon, karapatan ng mamamayan!
Biguin ang pakanang cha-cha ni Gloria!
Ipagtanggol ang pambansang patrimonya!
Tutulan ang imperyalistang globalisasyon at mga patakarang liberalisasyon!
Patalsikin si Gloria!
Isulong ang pambansa, siyentipiko at makamasang edukasyon! (end)