REFUND NOW!

 

Tuesday, November 14, 2006

Nitong nakaraang semestre, matagumpay nating nailantad ang di-makatarungan at iligal na Commission on Higher Education Memorandum Order 14 (CMO 14). May ilang eskwelahan na ang nagbalik ng partial na refund sa mga estudyante katulad ng La Salle-GAUF at University of the East.

Ngayong pagpasok ng ikalawang semestre, ipinagpapatuloy natin ang kampanya para sa pag-REFUND sa mga dagdag-bayaring siningil sa atin sa eskwelahan bunsod ng iligal na pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin.

Ang CMO 14 ang ugat at ubod ng lahat ng iligal na pagtaas ng matrikula at iba pang singilin sa mga pribadong eskwelahan ngayong taon. Sa bisa ng CMO 14, tinatanggal sa ating mga estudyante ang karapatan sa konsultasyon sa anumang panukalang pagtaas ng bayarin sa eskwelahan. Nauna nang idineklara ng Committee on Technical and Higher Education ng Kongreso ang pagiging iligal ng CMO 14 dahil tahasan itong paglabag sa batas.

Marapat na maibalik sa mga estudyante ang anumang dagdag-singil. Di-makatarungan ang pagtaas ng mga bayarin, kahit na ito’y “adjustment” diumano sa inflation rate. Anumang dagdag-bayarin sa eskwelahan ay atake sa ating mga estudyante sa kasalukuyang panahong patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin habang bumababa ang kakayahan nating tustusan ang ating pag-aaral. Simula pa noong nakaraang dekada, tumaas na ng 40 porsyento ang gastusin ng isang pamilyang Pilipino para sa eskwelahan. Dahil dito, taun-taong nadaragdagan ang bilang ng mga drop-out at out-of-school youth dahil sa abot-langit na halaga ng edukasyon sa bansa.

Sa pamamagitan ng ating mga inisyal na hakbangin, tampok na isinulong ng kampanyang REFUND ang mga opisyal na complaint na isinampa sa CHED ng mga lider-estudyante mula sa University of the East-Caloocan, University of the East-Recto, University of Sto. Tomas, De La Salle Araneta University (GAUF) at Mapua Institute of Technology. Sa GAUF, matagumpay na nakapaglunsad ng walk-out sa klase ang mga estudyante para sa panawagang REFUND.

Sa iba pang mga rehiyon, naging masikhay din ang panawagang REFUND. Sa Davao, sama-samang nakapagsumite ng petisyon ang mga estudyante ng mga pribadong eskwelahan. Lumalaganap pa rin hanggang ngayon ang signature campaign sa mga eskwelahan sa buong bansa para sa tuluyan nang pagbasura sa CMO 14.

Nagbunsod ito upang balikan ng CHED ang isa nitong resolusyon noong Mayo 8, 2006 na nagpapahintulot lamang sa pagtaas ng mga bayarin kung ito ay hindi lalagpas sa inflation rate (7.6 porsyento). Dahil dito, napilitan ang mga eskwelahan na mag-REFUND bagamat hanggang sa 7.6 porsyento lamang. Sa GAUF, halimbawa, nagkaroon ng 2.4 porsyentong REFUND, o P300; habang 9 porsyentong REFUND naman ang ipinapatupad ngayon sa UE, o P1,000-P2,000 kada estudyante.

Gayunpaman, hindi basta-bastang mapatatahimik ang mga estudyante hanggat hindi nakakamit ang FULL REFUND at ipinapatupad ito sa mas maraming eskwelahang nagtaas ng tuition. Malinaw ang ating pahayag at panawagan: Anumang pagtaas ngayong taon ay iligal dahil nakapailalim ito sa iligal na CMO 14. Anumang dagdag-singil ay marapat lang na ibalik ng buong-buo sa mga estudyante.

May inisyal man tayong mga tagumpay, nananatiling tuso ang mga pribadong eskwelahan at ang CHED. Ngayong ikalawang semestre, talamak pa rin ang patuloy at walang-habas na pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin.

Sa UST, mahigit-kumulang P2,000 ang itinaas ng mga miscellaneous fee. Sa isang pribadong eskwelahan sa Laguna, nagtaas ng 22 porsyento sa matrikula para daw ipambili ng mga papel kapalit ng mga nalubog sa baha bunsod ng bagyong Milenyo.

Samakatwid, nagpapatuloy ang ating kampanya at lalo pa itong dapat na paigtingin. Hangad nating lalo pang umugong ang ating kampanya laban sa CMO 14 lalupa’t papalapit na ang tuition consultations ngayong darating na Pebrero. Gayundin, kasabay ng ating panawagan ngayong pagpasok ng panibagong semestre ang mas mababang singil sa matrikula at iba pang mga bayarin ayon na rin sa resolusyon ng CHED noong Mayo.

Nangangahulugan lang na inutil ang CMO 14 upang kontrolin ang mga taunang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin dahil sa halip na pigilan ang pagtaas, inawtorisa pa ng gobyerno ang mga ito. Lalo nitong niligalisa ang pagtaas ng mga bayarin sa mga pribadong paaralan.

Hindi lamang ang mga administrasyon at CHED ang dapat na singilin sa taunang pagtaas ng tuition at iba pang bayarin. Hindi ligtas ang kasalukuyang gobyerno sa pananagutan nito dahil pinapanatili nito ang pagiging komersyalisado at bulok ng sistema ng edukasyon sa bansa. Matagal nang inabandona ng gobyerno ang responsibilidad nito na pag-aralin ang kabataan dahil sa patakaran nitong deregulasyon ng edukasyon. Kaya’t tahasang pinapahintulutan at ginagatungan nito ang taunang pagtaas ng singil samantalang pinapaliit ang budget para sa sektor ng edukasyon.

Kabilang sa ating mga maaaring hakbangin ang sumusunod:

1. Ipanawagan ang pagtutol natin sa anumang pagtaas ng bayarin (tuition and other fees).
2. Patuloy na ibunyag ang di-makatarungan, anti-estudyante, at iligal na CMO 14.
3. Magkaisa at mariing ipanawagan ang kagyat na pagbabasura dito.
4. Maglunsad ng mga talakayan hinggil sa iligal na CMO 14 at kung bakit makatarungan ang panawagang REFUND.
5. Masusing mag-imbestiga sa mga bayaring sinisingil sa mga eskwelahan at magsampa ng mga opisyal na complaint sa CHED ang mga lider-estudyante.
6. Maglunsad ng mga aksyon at kilos-protesta para irehistro ang ating pahayag at panawagang REFUND.

REFUND NOW! Ibalik sa mga estudyante ang lahat ng iligal na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin!

Ibasura ang CHED Memo 14! Itigil ang pagtaas ng matrikula at mga bayarin!
Maninidigan Para sa Karapatan sa Edukasyon!
Lumahok Sa Pambansang Kilos-Protesta/Walkout! ng Kabataan sa Nobyembre 24!